REAKSYONG PAPEL
"MINSAN MAY ISANG DOKTOR"
Ang akdang "Minsan May Isang Doktor" na salin ni Rolando A. Bernales ay isang nakakaantig na kwento na sumasalamin sa dedikasyon at sakripisyo ng isang doktor sa kabila ng mga personal na pagsubok. Ipinapakita sa kwento ang pagpapahalaga ng doktor sa kanyang propesyon at ang mga hindi inaasahang kaganapan na nagiging bahagi ng kanyang buhay. Sa kabila ng mga personal na pagdadalamhati na kanyang nararanasan, patuloy niyang isinasagawa ang kanyang tungkulin upang magpagaling ng pasyente at magbigay ng pag-asa sa mga nangangailangan.
Ang pagdating ng Doktor na hingal na hingal upang gampanan ang kaniyang tungkulin, kahit na may mabigat siyang pinagdadaanan, ay isang kahanga-hangang pangyayari na nagbibigay sa atin ng inspirasyon at dedikasyon na mahalin at bigyan ng pasyon ang ating mga tungkulin, kahit na mayroon tayong pinagdadaanan sa personal na buhay. Sa kwento, natuklasan natin ang galit na ama sa Doktor dahil sa pag-aalala sa kaniyang anak na sasailalim sa isang operasyon, na lubos nating mauunawaan. Ang takot sa pagkawala ng isang mahal sa buhay ay isang emosyon na karaniwan sa lahat. Sa kabila ng natanggap na negatibong mga sinabi ng ama, nanatiling mahinahon at propesyonal ang Doktor, at sa halip ay pinaulanan niya ito ng mensahe galing sa Diyos na makakapagpalakas ng loob ng ama. Sa huli, nailigtas ng Doktor ang buhay ng pasyente, bagay na hindi niya magagawa sa sarili niyang anak na kalaunan ay namatay sa isang aksidente. Ang oras sa pagtawag ng Doktor sa hospital para sa biglaang operasyon ng pasyente ay siya ring araw na burol ng kaniyang anak. Kahit na may malaking personal na kinakaharap ang Doktor, hindi ito naging hadlang sa pagganap ng kaniyang tungkulin - ang pagligtas ng ibang buhay.
Sa kabuuan, ang "Minsan May Isang Doktor" ay isang makapangyarihang kwento na nagtuturo ng halaga ng malasakit, pagpapakumbaba, at dedikasyon sa ating mga tungkulin, lalo na sa mga propesyon na may kinalaman sa kalusugan at buhay ng tao. Ipinakita ng doktor sa kwento na kahit sa gitna ng personal na sakripisyo, kailangan pa rin niyang magsagawa ng kanyang tungkulin nang buong puso. Sa ganitong paraan, napapaalala sa atin ang kahalagahan ng empatiya at pagpapakita ng malasakit, hindi lamang sa ating mga kapwa, kundi pati na rin sa ating sarili, lalo na sa panahon ng pagsubok.
Ang kwentong ito ay isinalin ni Rolando A. Bernales at kinuha mula sa aklat nina Bernales, et al.,pp. 23-24.
Comments
Post a Comment